Ipinapaalam namin sa lahat ng mga Filipino na kasalukuyang naninirahan dito sa Cambodia na sang-ayon sa Guidelines na inilabas kamakailan ng COMELEC, ang isang Filipino na naka-rehistro bilang overseas voter (tinaguriang active overseas voter) at nakaboto sa mga nakaraang halalan ay maaaring mabigyan ng pagkakataon na bumoto sa ating Embahada dito sa Cambodia.
Isang halimbawa:
Kung ikaw ay dating naninirahan sa Vietnam o Thailand (o sa ibang bansa), at doon ay nakaboto bilang overseas voter sa mga halalang naganap noong 2013 o 2010, at ngayon ay kasalukuyang naninirahan o nagt-trabaho dito sa Cambodia, maari mong gawin ang mga sumusunod para maka-boto:
-
Bisitahin ang Embahada at ipa-alam sa sinumang miyembro ng Special Board of Election Inspectors (SBEI) ang iyong intensyon na bumoto para sa Halalan 2016.
-
Ang SBEI ng Embahada ay magbibigay sa iyo ng kasulatan na tinatawag na "Manifestation of Intent to Vote" (kalakip ng anunsyong ito) na dapat pirmahan kalakip ang mga impormasyong kailangan, at ng valid voter's ID o passaporte.
-
Ipasa ito sa sinumang miyembro na SBEI, na siya namang magve-verify sa COMELEC sa Maynila kung ikaw nga ay isang active overseas voter base sa talaan nito.
-
Kung pagkatapos ng verification ng COMELEC ay mapatunayan na ikaw nga ay isang active overseas voter, ikaw ay sasabihan ng SBEI na maaari kang bumoto sa Embahada at makilahok sa pagpili ng ating mga pinunon ngayong Halalan 2016.
Ang Guidelines po na ito ay para lamang sa mga tinatawag na active overseas voter, at hindi po para sa mga dating nakapagpa-rehistro sa Pilipinas o sa mga dating nakapagpa-rehistro sa Embahada para sa overseas voting subalit natanggal o na-deactivate ang pangalan sa kadalihanan ng hindi pagboto sa mga nakaraang eleksyon.
Ang atin pong Embahada ay bukas para sa mga nais bumoto mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, at mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon, Sabado at Linggo.
Dalawang linggo na lang po ang natitira. Halika ka na upang makilahok sa pagpili ng susunod na President, Bise Presidente, labin-dalawang Senador at isang Party-List Representative.