MENU

         

           Ipinapaalam po ng Embahada ng Pilipinas sa Filipino community sa Cambodia ang isang mahalagang Advisory mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) patungkol sa pamamalagi ng ating mga kababayan sa ilang mga bansa sa ASEAN  (Cambodia, Vietnam, Thailand, Malaysia, Myanmar at Laos) sa pamamagitan ng tinatawag na "Visa Run."

            Ang "visa run" ay isang proseso o paraan kung saan ang isang dayuhan ay nakaka-pamalagi sa isang bansa sa pamamagitan ng pag-exit o pag-labas sa mga karatig na bansa bago mag-expire o matapos ang autorisadong panahon ng kanilang pansalamantalang pamamalagi, at pagkatapos ay babalik sa bansang pinang-galingan upang doon ay panibagong mamamalagi, sang-ayon sa uri ng visa na ibibigay at sa diskresyon ng immigration officer.  

           Ang "visa run" ay isa sa mga pasilidad na ginagamit ng mga human trafficking at drug syndicates na walang mabuting maidudulot sa kapakanan ng ating mga kababayan. Sa kadahilanang ito, mariin pong hinihikayat ng Embahada ang lahat ng mga Filipino sa Cambodia, lalong lalo na po ang mga namamalagi sa bansang ito sa ilalim ng tourist visa lamang, na huwag pong gamitin ang visa run upang maiwasan ang anumang suliranin o problema para sa kanilang kapakanan at seguridad. Ipinapa-alala po ng POEA na ang mga Filipinos na gustong mag-trabaho sa alinmang bansa sa ASEAN ay dapat sumailalim sa tamang proseso ng recruitment ng POEA bago mag-trabaho sa ibang bansa.

            Ipinapaalam din po ng Embahada na sa kasalukuyan ay may ipinapatupad na crackdown ang mga awtoridad ng Cambodia sa mga dayuhang walang legal na status. Ilan po sa ating mga kababayang Filipino na nag-overstay sa bansang ito ay kabilang sa mga na-aresto kamakailan lamang. Ipinapa-tupad din po ito ng mga Gobyerno ng Thailand at Laos. Hinikayat po ng Embahada ang lahat ng mga Filipino sa Cambodia na palaging panatilihing valid ang visa at work permits kung kayo ay magta-trabaho o mananatili ng mahabang panahon sa bansang ito.

            Paalala po ng Embahada na ang ating pamamalagi sa Cambodia ay hindi isang karapatan, bagkus ay isang pribilehiyo lamang. Responsibilidad po natin na sundin ang lahat ng patakaran tungkol sa imigrasyon na pinaiiral sa bansang ito.          

Ika-19 ng Agosto 2016, Phnom Penh