MENU

 

Patungkol sa mga kontrata ng manggagawang Pilipino sa Cambodia, muling binibigyang-linaw ang mga kaugnay na palatuntunin na pinaiiral ng pamahalaan ng Pilipinas:

 

  • Upang masiguro na ang kasunduan sa gitna ng opisina at manggagawa ay alinsunod sa mga umiiral na batas ng Pilipinas at upang mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng manggagawang Pilipino sa Cambodia, ang kontrata nila ay napapasailalim sa prosesong “acknowledgement” na isinasagawa ng Pasuguan ng Pilipinas.  

 

  • Ang “acknowledgment” ng mga kontrata ay isang uri ng pag-nonotaryo kung saan ang itinalagang konsul heneral, konsul o pangalawang konsul  ay nagpapatotoo na ang mga taong humarap sa kanila ay siya ring kusang loob na lumagda sa kontrata.

 

 

  • Dahil wala pang Migrant Workers Office (MWO) sa Cambodia, ang Pasuguan ng Pilipinas ang siyang naatasang tiyakin na ang trabahong papasukan ng isang Pilipino ay lehitimo at ang mga nakapaloob sa kontrata ay sang-ayon sa mga pamantayang itinakda ng pamahalaan ng Pilipinas.

 

Bilang pag-unawa  sa mga taga-empleyo na hindi makapunta sa Pasuguan, aming pinapayo na magtalaga ang kanilang kompanya o opisina ng isang kinatawan (halimbawa: HR manager) na may dalang  authorization letter  upang isagawa ang paglagda sa kaukulang kontrata. 

 

Ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa Cambodia ay isa sa mga pangunahing mandato ng Pasuguan. Naniniwala ang Pasuguan na ang mga butihing taga-empleyo at mga manggagawang Pilipino sa Cambodia ay mauunawaan ang mabuting layunin ng mga alituntunin ng Pamahalaan ng Pilipinas tungkol sa pagtatrabaho sa ibayong dagat.